Lunes, Hunyo 18, 2012

Father's Day!


Father’s Day!



June 17, 2012 9:00AM: Millennium Hotel, Oman



Dahil sa may apat na araw akong bakasyon mula noong June 14-17, 2012 at dahil na rin sa imbitasyon ng isang kaibigan ay nasa bansang Oman ako ngayon.



Habang nakamasid ako sa dalampasigan at naghihintay na magising ang mga kasama ko na marahil ay puyat dahil sa aming night-out, isang tawag ang aking natanggap…. Numero lamang ang rumihistro sa cp ko at hindi pamilyar sa akin ang country code nito…



“Hello…”  ang aking nasambit ng sagutin ang tawag.

“Felmo, anak daddy mo ito…” ang sagot sa kabilang linya.

Kinabahan ako ng sandaling iyon, hindi ko alam ang aking sasabihin… ang aking itay ang tumatawag sa akin na halos tatlong taon ko nang di nakakausap.

“Sandali po hindi ko kayo marinig… lalabas lang ako” ang aking nagging tugon… upang makapag-isip ng aking sasabihin… mula sa balkonahe ng hotel ako ay pumasok sa kwarto at lumabas sa garden, napaso ako sa tindi ng sikat ng araw… ako ay lumakad pa papalapit sa mga puno ng dates upang makisilong sa lilim na likha nito…

“Felmo”

“Dad, kamusta po? Kanino nyo nakuha ang number ko?”

“nakuha ko kay Archei (nakakabata kong kapatid)… nasa UAE ka pala?”

“Opo , 2 years na rin ako dito”

“Kumusta ka naman?”

Tila napako ako sa aking kinatatayuan… kinakamusta ako ng aking ama… ng aking amang halos di ko nakasama sa aking pagkabata, sa dahilang lumaki kaming ang kapiling lamang ay ang aming ina. Nasa Saudi sya habang kami ay lumalaki… kada-dalawang taon lamang kung sya ay umuwi, at isang buwan lamang ang kanyang inilalagi sa amin at aalis namang muli.

Ang tangi ko lamang, ala-ala sa kanya ay ang mga laruang robot at baril-barilang na di ko naman nilalaro at pailan-ilang larawan habang nakabakasyon sya sa Pilipinas… ilang birthday bang wala sya? Ilang pasko? Ilang bagong taon… Minsan nga naisip ko rin na sya marahil ang dahilan kung bakit ako nagkaganito… dahil marahil wala akong father figure na namamalas sa aming tahanan… dahil embis na basketball ay jack-stone ang nakagawian kong laruin… pati narin barbie habang inaalagan ko ang bunso naming kapatid.

At sya rin marahil ang dahilan kung bakit iniwan kami ni inay at sumama sa ibang lalaki… dahil wala syang panahon para sa amin ng pamilya nya… o dahil ganti lamang iyon ni inay sa kanyang pangbababae ng siya ay nasa Saipan pa.



“Felmo anak?”

“Dad sorry po… mahina lang ang signal dito kaya paputol-putol ang linya” ang akin pang alibi

“Kamusta ka na?” muli nyang tanong.

“mabuti naman po… kayo po kamusta na?”

“ito tumatanda na… hahahaha” bagamat tumatawa sya sa kabilang linya ay parang inmpit ito na animo’y pinipigil lamang ang luha… hindi ko namalayan na tumulo na rin ang luha sa aking mga mata

“Dad, miss ko na po kayo” ang tangi kong nasambit.

“anak, buti naman at sinagot mo ang tawag ko… ikaw na lang sa iyong apat na magkakapatid ang di ko nakakausap, buti naman at kinausap mo rin ako…” nabasag na ang kanyang tinig… at batid kong lumuluha sya sa kabilang linya… ako man ay di ko na mapigilan ang ma-iyak…



Hinagilap ko sa aking sarili ang sagot sa katanugang “Galit ba ako sa aking Itay?” pero wala akong nakitang puot… dahil sa kabila ng lahat ay minahal ko sya at ganap na naunawaan lalo nang ako naman ang nag-abroad at nakakilala ng mga simpleng taong nag susumikap at nagtitiis sa ibayong dagat maitaguyod lamang ang mga naiwang pamilya sa pilipinas…

Marahil ay kinapos sya ng panahon para sa amin ng pamilya nya… dahil hindi sapat ang panahon kanyang ginugol sa ibayong dagat upang maitaguyod nya ang aming pag-aaral… ang aming bukas…

…at kung mabibigyan lamang sya ng ibang pagkakataon, marahil ay gagawa sya ng paraan upang mabawi ang lahat nyang pagkukulang…



“Dad… pasensya na po…”

“Wala kang dapat alalahanin… ako nga ang dapat na humingi ng paumanhin sa inyo… at salamat na rin dahil hindi mo pinabayaan ang mga nakakabata mong kapatid…”

“Kamusta na po si Tita Flor (ikalawang asawa ni itay)?”

“Mabuti naman anak… dalawa na pala ang kapatid mo ditto… sabi nga pala ni Archie ay bakasyon mo sa August… sana madalaw ka dito…”

“Po…”

“kung pwede ka lang naman… ako na ang bahala sa plane ticket mo”

“Balak ko po kasing sa December na magbakasyon, kung papayagan po ako ng school… pero kung matuloy po ako sa August sabihan ko po kayo…”

“ok, anak… asahan ko”

“opo”

“Ingat ka palagi dyan anak!”

“salamat po…. Dad!”

Katahinikan…

“Anak?”

 “Happy Father’s day po!”

“Salamat anak!”



Halos 30minutes na ang nakakaraan mula ng huli kaming mag-usap na mag-ama… Masaya ako’t muli ko syang nakausap, na muli ay nagbukas ang kumunikasyon naming dalawa. Marahil nga’y mahirap tanggapin subalit batid kong mahal kami ng aming mga magulang… mahal ako ng aking ama!



Eto ako ngayon naka online magpapabook ng flight papuntang Kuwait sa darating na August!



“Hindi dahil sa hindi na nila MAHAL ang isa’t-isa ay din na rin nila MAHAL ang kanilang ANAK!" -mula ito sa isang english movie na nakalimutan ko na ang pamagat... sinasabi ng isang babae sa isang bata na bagamat naghiwalay ang kanyang mga magulang hindi mawawala ang pagmamahal nila sa kanyang anak... tinagalog ko na to-



Marahil hindi ako magiging ama… pero sapat na ang aking namalas sa tinagal ng aking buhay sa mundong ito upang maintindihan ang aking ama… at ibang pang mga ama!



Happy Father’s Day!




2 komento:

  1. Grabe pala buhay mo pang maalala mo kaya! Masalimuot!

    Pero im glad ok kayo ng dad mo. Puntahan mo ba siya sa kuwait?

    Hey keep in touch send me you contact details :-)

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. hahaha... yes masalimuot pa sa hair down under!

      Thanks Mac! sa August pa Kuwait ako... to meet my Dad...

      i have an FB account my name: Felmo Rodriquez

      Burahin