Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tula. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tula. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Setyembre 3, 2015

LARO


Kanang kamay

pangtakip sa mata

Kaliwang kamay

panggaya sa bilang ng daliri

na iyong ipapahula



Sa bawat sandaling di ka nakikita

di malaman ang gagawin

nilalamon ng kaba,

pag ako’y iyong sinaling

inihahanda ang sarili…

isa

dalawa

tatlo

apat

o

lima

ngayon’y ano na naman kaya?



Hinintay ko ng kay tagal

ang iyong pitik

di nakatiis

sumilip

ikaw ay wala

nasaan?

may ibang kalaro

ibang kasalo



ilang beses na nga ba akong nagkamali

subalit ito akong muli

nakatakit ang mata…

nag-aabang

naghihintay na masaktan

upang muli ay humula



Magbabalik ka pa kaya?






hanggang kailan nga ba dapat umasa?
at ilang sakit pa bago matauhan ang puso...
na ang lahat ay isa lamang laro! 
pitik-bulag... -Felmo-

Martes, Marso 18, 2014

Lutang


Image courtesy of http://corkstudio.com


Isa-isang umalpas sa isip ang bawat mong ala-ala

pinilit kong hinabol ang pirapirasong gunita

subalit

tumatagos lamang sa aking mga palad

nag lalahu na tila bula.


Humatbang akong patalikod

nag sumikap na lumundag upang aking maabot

ang mga natitira pang pinagsamahan

na aking natatanaw

Ngunit

di ko man lang nayakap.


At sa pagnanais kong bumaba

di ko na maabot ang lupa

buong akala ko narito ka parin

na syang hahablot sa akin… 

upang

muli kong maibalik ang aking kaluluwa 

sa aking katawang lupa.


Ngunit wala, wala ang ikaw

na sa akin ay pumupukaw sa t’wing

aking pinagsasamantalahan ang aking puso’t utak

at pinapaasang sa pagmulat ng mata ay narito ka

sa aking tabi, 

sa aking mundong binu-o ng ikaw at ako.


Unti-unti ng naglalaho ang usok, ang ulap

na kanina lang ay aking kapiling

sa paghihintay na humupa

ang bawat hapding nadarama

na binigyang lunas ng palara’t gabundok na puting alikabok

na aking tinipon upang makasama ka

kahit saglit… kahit ngayon lang!


Dumidilim na, habang papasikat ang araw


ako pa rin ba’y maghihintay?





Lunes, Enero 27, 2014

Kaluluwang Ligaw



Isang mahinang katok sa pinto
ang kusang binubuksan ng aking puso
sa isang silid lagi na ay nagsasalo
ng isang walang hanggang pagsuyo


Akin ang bawat mong gabi
maging ang bawat halik ng iyong labi
di magkamayaw… di mapakali
sinusulit ang ikaw sa aking tabi


Makakatulog ng magkayap
nalalasap ang bawat mong hatid na sarap
ang tulad ko’y walang ibang pinangarap
kungdi ang maging akin ka ng ganap


Subalit isang tunog, ang sa atin ay nagpapabalikwas
sa pagdating ng bawat bukas
tila lagi na lamang nating habol ang oras
at muli ito na naman ang pagwawakas


ng isang gabi…


Mula sa likod, ako’y iyong niyakap
sabay bulong ng pangungusap
bagama’t sa puso’y tumatarak, ito ay tanggap
dahil alam kong muli at muli itong magaganap


ang iyong paalam…


“Lipat na ako, parating na ang ASAWA ko!”



Miyerkules, Enero 23, 2013

Isang mahabang pag-idlip


image courtesy of an FB friend


Inilapat ko ang aking katawan sa malawak na higaan
upang doon ay ipahinga ang pusong malaon ng pagal
matagal narin pala mula ng mahiga akong mag-isa
subalit kailangan kong masanay…
kailangan kong matutunan, kailangan kong harapin…
dahil kung hindi, muli luluha na naman ako.

Nilalamig ako sa kabila ng mainit na panahon
dahil wala ang mga bawat mong yakap,
ang mga bawat mong halik na pumapawi sa mga agam-agam
ng bawat bukas na darating…
sa bawat oras na ninanais kong nandito ka lang sa aking tabi…
Nasaan ka na?

Sa mga panagip ko na lamang magagawa ang lahat
ibigin ka…
pahalagahan…
alayan ng buhay…
yakapin…
hagkan…
at ibigay ang buo kong pagkatao.

Ayaw ko na sanang gumising subalit kailangan
Dahil hindi ako mabubuhay sa mga ala-ala mo lamang…
gigising din ako,
hinihintay ko lang ang tamang sandali…
ang tamang pagkakataon
na sa aking pagbangon
wala ka nang tuluyan sa aking buhay… sa aking puso!

Linggo, Oktubre 21, 2012

Lunes ng Gabi...

Maaga akong gumising tulad ng dati, tuwing Martes ng umaga…

Marahan akong tumayo mula sa kama… dahil ayaw kong maistorbo ang iyong pagtulog, dahil alam kong pagod ka at ito lamang ang tanging araw ng iyong pahinga.
Nagluto ako ng almusal, pati narin ng iyong pananghalian… dahil maiiwan kang mag-isa, ngayong araw sa aking flat…

Matapos kong magluto ay pinuntahan kita sa silid… upang gisingin at yayaing kumain ng almusal…

Subalit malakas na sampal ng katotohanan ang sumalubong sa akin… muli ay lumuha ako!

Niyakap ko ang mga naiwan mong damit… ang iyong unan… ang iyong kumot… ang iyong mga ALA-ALA!

Dahil di ka na nga pala muli pang dadalaw tuwing LUNES ng GABI!

Photo courtasy of an FB Friend 


Ba’t hindi nasanay ang aking puso
na di na nya mararamdaman ang iyong pagsuyo
ba’t nga ba tuluyan ng lumayo
ang ikaw sa mundo ko… sa aking pagkatao?

Ilang Lunes ng gabi pa ba?
ang dapat kung maranasan wala ka
para mapaintindi sa damdamin, sa isip na…
wala ka na… at dina muling darating pa.

at ilang Martes ng umaga ko pa…
mararanasan ang lumuha?
Dahil nga ikaw ay wala…
Wala sa aking silid… sa aking kama.

Sana’y mapagud na akong maghintay ng lagi sayo
Upang maturuan ko na itong aking puso
Na di na muli pang maghintay sa tulad mo
Na ang pinili… ang minahal ay di ako!


Ilang Lunes na gabi paba akong maghihintay?

Ilang Martes ng umaga paba akong aasa?

Linggo, Setyembre 2, 2012

Pagliban

 

 
 
 
Makailang ulit kong ninanis na itanong sayo

ang mga agam-agam sa aking puso

inililok ko na nga sa aking isipan ang bawat kataga

upang sa ating muling pagkikita ako’y handa

sa aking bawat sasabihin….

sa aking bawat katanungan nais kong iyong sagutin

 

Subalit pipi akong humarap…

sa nakakabinging katahimikan

Bulag akong yumakap…

sa taong akin pinanabikan

ang  kanyang pagiging ama, haligi ng tahanan

 

Humakbang akong pabalik sa aking kamusmusan

doon hinanap ang mga dahilan

upang aking matanggap yaring aking inasal

sa harap ng nilalang na inilaan nang may-kapal

upang aking maging magulang…

Ano nga ba ang iyong naging pagkukulang?

 

Inakay mo muli akong pabalik sa ngayon

upang aking mabatid ang noon…

noong wala ka

kung bakit

kung paano

kung gaano katagal

at sa haba ng panahon ng iyong pagliban

ngayon ko lang lubos na nalaman

wala ka man, di napatid ang iyong pagmamahal!

Linggo, Mayo 20, 2012

Pagbabalik...






Bakit nawalan ako ng lakas ng loob?

Na labanan ang sigaw ng damdaming puno ng poot…

Bakit muli kitang pinapasok?

Sa akin pinto… sa aking puso at sa bawat nitong sulok.



At muli ito ka…

nagsasabing ako’y mahal mo pa

nangangakong ako’y di na muling iiwan

dahil sa piling ko, sabi mo naroon ang kaligayahan



Ayaw kitang paniwalaan…

ni ayaw kong ikaw ay pakinggan

subalit yakap na kita muli ng kay higpit

labi ko ay siil na nang iyong mga halik



Muli sa parihaba kong mundo ikaw ay nagbabalik

kasinungalingang sabihing ako  sayo’y di nasabik

dahil walang araw na di ko man lang ninais…

ang sandaling ito… ang makapiling ka… yakap ng iyong bisig



Ngunit sa pagkakataong ito ay ayaw kong umasa…

dahil ayaw kong masaktang muli ng sobra…

sapagkat di ko kakayaning muling magdamdam ng dahil sayo

at ng pag-ibig mong… ang nagmamay-ari ay di lang ako!










- "Mahal mo pa ba ako?"



- "Walang sandaling hindi kita Minahal!"





Sabado, Abril 7, 2012

Mickey




Sa Disneyland doon kita unang nakita
muli ay bumalik sa aking pagkabata…
niyakap ka ng mahigpit
di bumitaw sa pagkakapit…

Ilang araw din akong naging masaya
bawat lumbay ay di inalintana
dahil nga kapiling kita
sa kaharian mong kay ganda…

Sa aking pag-alis…
luha sa mata’y tumalilis
hindi ko natiis
ang lisanin ka ng kay bilis…



At ngayon muli kitang nakita… namasadan
hindi sa kaharian, kundi sa isang katawan
sa dalampasigan ng aking pag-iisa
muli nagdulot ka sa akin ng ligaya…

Lumapit ako upang mas matunghayan ka
isang ngiti ang ganti ng sayo ngayo’y nagdadala
sa pagkakataon ito bay magiging akin kana?
sa sarili kong mundo’y maiuuwi ba kita?

At di nga ako nabigo
muli umusbong ang isang pagsuyo…
ngayon nga’y masasabi kong akin kana
may bunos pang dala-dala!




I LOVE YOU MICKEY!

Martes, Marso 20, 2012

Tampisaw






Hatakin natin ang gabi

Upang sa dilim tayo ay makakubli.

wag nating hayaang mamalas ang buwan

upang ang kasarinlan ay ating matikman.

Kinang ng bituin man

ay di makakahadlang

sa ating pakikipagniig…

sa ating pakikipagtalik…

sa hangin ng pakikibaka,

sa hamog ng pag-aalinlangan.



Hayaan mong

ang mga labi ko

ang maging tawiran

ng iyong hininga

na di binigyang laya

ng sanlibutang nagtatwa

na sa atin din ay lumikha…



Ang bawat along hahampas

sa ating katawan

ang s’yang papawi

sa uhaw…

sa pagnanasa…

sa pangangailangan…

ng ikaw at ako

para sa isang paglaya

mula sa lipunang

di tinatanggap

ang kung ano ang nasa ating puso…

ang nasa ating kaluluwa!


 

Hakbang pa…

hanggang mabalot ang buo nating katawan

ng tubig alat

na magkukubli sa ating kahubdan

upang muli tayo ay mahugasan

para sa sandaling

magbalik ang haring araw

tayo muli’y maging malinis

sa mga taong

tunay na nagmamay-ari

ng aba nating

Katauhan!

Linggo, Marso 18, 2012

Kape...



Maiibsan ba ng isang tasang kape

ang pangungulila sa dating katabi?

Kaya bang tumbasan ng kanyang init

ang mga labing dati’y magkadikit?



Sa kape ko nalamang ba malalasap…

ang init…

ang tamis…

ang bawat pag higop…

ang bawat pagsaid,

sa natitirang latak na kumakapit

sa tasa… sa bawat nitong gilid.



Ilang tasa ng kape pa?

sa bawat umagang paghihintay

ilang paglagok…

ilang timpla?

Bago ko muling matikman

ang iyong pagsinta…

ang iyong katawan,

ilan pa?



Hangang ang mga sangkap

para sa kape ay maubos na.

Tulad ko

ang tasa ay tigang…

wala na ang init

wala na ang tamis

wala na maging ang pait

wala na ang labi…



Wala na ang iyong Pag-ibig!


Miyerkules, Marso 14, 2012

Sa iyong pag tulog...

Mas masarap kaya ang tulog kung sya ang katabi?


 

http://www.facebook.com/?ref=tn_tnmn#!/photo.php?fbid=359921584048562&set=a.309722929068428.81435.100000921699549&type=1&theater


Ipahinga mo ang pagal mong katawan...
sa katawan kong unan.

Hayaan mong ika'y aking kumutan
ng aking mga bisig...
ng buo kong katawan.

Dadalhin kita sa aking panaginip
at doon natin akyatin ang kapwa natin nais
na sa tunay na mundo...
sa atin ay pinagkait!

Tulog lang...
hanggang ang lahat ng lakas ay mabawi na.
Tulog lang...
upang kahit saglit suliranin ay mawala.
Tulog lang...
dahil sa pag-gising mo
ito pa rin ako
hindi bibitaw sayo


at muli'y handang maghintay


hangang sa muling pagtulog mo...