Lunes, Setyembre 10, 2012

Pag-amin...

-Kwento sa likod ng Pagliban-


 
 
 
Thursday   August 16, 2012

 

Kalalapag palang ng eroplanong aking sinakyan mula UAE papuntang Kuwait. Atubili na ang lahat sa kani-kanilang gamit naghahada sa pagbaba mula sa eroplano, subalit ako tila walang kabalak-balak. Tila namanhid ang buo kung karawan… para akong iniwan ng aking katinuan, saglit pa’y mas ninais ko ng bumalik sa UAE… pero narito na lang din lang ako, kung kaya tinanggap ko na lamang sa aking sarili na ito na marahil ang matagal ko ng dapat ginawa.

Ako ang huling pasaherong tumayo sa aking upuan at ako rin ang kahulihulihang lumabas… dahil mas gusto ko pang tumagal kahit na kunti pa ang muli naming pagkikita ng aking Ama!

“kumusta ang byahe?” salubong na tanong ng aking itay ng magkita kami sa arrival area ng airport, sabay akbay at kuha ng isa sa bitbit kong bag.

“okey naman po…”

“nasa labas nga pala ang tita Flor mo”

Tinungo namig ang car park habang naglalakad ay kay dami ng kwento nang aking ama, subalit tila wala akong naintindihan sa ano mang sinabi nya… parang sirado pa rin ang aking pangdinig sa kung ano pa mang  sasabihin nya.

Pero bakit nga ba ako nandito? Diba para narin mabuo ang ang aking pagkatao… at para narin makaharap at matuldukan na ang matagal-tagal narin galit at tampo ko sa aking ama.

Habang bumabyahe kami pabalik sa bahay ni itay, pinagmamasdan ko ang buong paligid… iilang sasakyan lamang ang makikita sa daan…marahil dahil ala-una ng hapon noon at di pa rin natatapos ang Ramadan, kung kaya ko nga rin pinili na pumunta ng Kuwait sa petsang malapit ng mag Eid para naman makapamasyal ng maayos at makakain sa oras na gustuhin ko.

Narating namin ang bahay, sinalubong ako ng dalawang bata… niyakap… tinawag na kuya… mga kapatid ko sila sa ama. Di nalalayo ang mga mukha nila sa dalawa kung nakakabatang kapatid noong mga bata pa sila. Magiliw ko naman silang kinausap… lukso ng dugo baga.

Naghain agad ng makakin ang Tita Flor, ako naman ay abala sa pakikipag-usap sa dalawang bata si Danica 3 yrs old at Dave 7 yrs old na kahawig na kahawig ni Archie, nakakabata kong kapatid. Bibo ang mga bata at marami ding kwento… English kung English ang usapan… pero wala namang nose bleed na naganap.

Isang masayang tanghalian ang naganap, naranasan ko muling magkaroon ng pamilya… dahil mayroon akong ama may inang matatawag at dalawang bibong kapatid.

Matapos ang pananghalian inaya ako ni itay sa biranda ng kanilang villa… at doon ay nagka-kwentuhan kami habang abala naman si Tita Flor sa pagliligpit ng hapag kainan at ang dalawang bata ay di magkamayaw sa aking mga pasalubong na laruan.

Isang masayang kwentuhan…

Ama sa anak…

Tila binalikan naming ang lahat-lahat mula pa lamang ng ako’y pinagbubuntis ng aking ina at kung bakit ako ang napili niyang magdala ng kanyang pangalan… (junior nga pala ako ng aking ama, what a name).

Hanggang sa mga pangyayaring kapwa naman naming di ninais na maganap.

Minsang tatawa…

Maluluha…

Hihingi ng tawad…

Magpapatawad…

Hanggang nadako ang aming usapan sa pag-buo ng pamilya:

“Wala ka bang ipapakilalang girlfriend sa akin? Aba di ka na bata… naunahan ka pa ni Archie at balita ko magkakaapo na ako sa kanya” tanong ng aking ama, sabay ngiti

Hindi ko alam kung ano ang aking isasagot… walang nakakaalam sa aming pamilya kung ano ang aking sexual orientation wala akong pinagsabihan… dahil kahit na mayroon akong naging karelasyong lalaki, lalaki parin naman ang kilos ko’t galaw.

 
“Dad I’m GAY!” ang tangi ko lamang naging tugon…

 
Tila nabigla ang aking ama sa aking sinabi… matagal siyang napatitig sa akin, walang kaimik-imik. Katahimikan…

Tumayo sya at bigla akong niyakap ng kayhigpit… alam ko mula sa sandaling iyon tinatanggap nya ako bilang ako ay ako.

Nababakas man sa kanyang mukha ang panghihinayang subalit alam ko ring hindi nya ako hinusgahan sa kung ano ako… nagbilin lamang sya na ingatan ko ang aking sarili lalo na’t nasa Middle East din ako nagtratrabaho.

Pinaliwanag ko naman sa kanya ang aking damdamin, ang aking nararamdaman maging ang aking kilos. Pati narin ang aking kasalukuyang relasyon kay Bryan.

At noon ko lang napatunayang mahalaga pa rin ako lalo na sa aking ama kahit ano pa ang pagkatao ko.

At muli bumalik ako sa sandaling kinailangan ko ng ama sa aking tabi upang sabihin sa akin kung ano ang mga dapat kong gawin… upang ako ay gabayan… upang ako ay turuan ng dapat…

Marahil ay di na maibabalik pa ang mga lumipas na sandali… subalit maari pala itong punan ng ngayon… ng pagmamahal…

 
At dahil dito mas matapang ko ng mahaharap ang mundo…

 
handa ko ng sabihin sa mundo na Bisexual ako!

 
Nasabi ko nga sa tatay ko…

 

 

Sunday September 9, 2012 5:30PM Oman Time:

 

Kausap ko lang sa phone ang tatay ko… gamit ang viber…

Bigla nalang akong magulat at natawa sa isa nyang tanong…

 “Felmo, anak matanong ko lang… natuli ka ba?”

 Isang malakas na tawa ang aking naisagot… sabay sabing

 
“Opo!”

 

 

Ang sarap talaga ng may ama!

 







 

 

Linggo, Setyembre 2, 2012

Pagliban

 

 
 
 
Makailang ulit kong ninanis na itanong sayo

ang mga agam-agam sa aking puso

inililok ko na nga sa aking isipan ang bawat kataga

upang sa ating muling pagkikita ako’y handa

sa aking bawat sasabihin….

sa aking bawat katanungan nais kong iyong sagutin

 

Subalit pipi akong humarap…

sa nakakabinging katahimikan

Bulag akong yumakap…

sa taong akin pinanabikan

ang  kanyang pagiging ama, haligi ng tahanan

 

Humakbang akong pabalik sa aking kamusmusan

doon hinanap ang mga dahilan

upang aking matanggap yaring aking inasal

sa harap ng nilalang na inilaan nang may-kapal

upang aking maging magulang…

Ano nga ba ang iyong naging pagkukulang?

 

Inakay mo muli akong pabalik sa ngayon

upang aking mabatid ang noon…

noong wala ka

kung bakit

kung paano

kung gaano katagal

at sa haba ng panahon ng iyong pagliban

ngayon ko lang lubos na nalaman

wala ka man, di napatid ang iyong pagmamahal!