December 2008
Ito na yata ang pinakamasayang buwan sa aking buhay makalipas ang mahabang panahon.
Dahil muli naranasan ko ang umibig at ibigin… palagi kong dasal na kung maari lamang sana hindi na ito magwakas.
Naging mas matibay kami ni Ryan, mas lalo ko pang naramdaman ang kanyang pag-ibig… lalo na nga noong naging kami na officially (December 5, 2008).
Naging masaya ang aming pasko… natapos nga namin ang simbang gabi, kalabisan man at alam ko naman bawal pero sinubukan kong hilingin na ang pagmamahalan namin ni Ryan ay pang habang buhay. Isang masayang bagong taon ang sumunod, nasa Cavite kami noon sa aming bahay, noon pasko kasi ako naman ang nasa kanilang tahanan.
Hindi man namin masabi sa aming mga pamilya ang kung anong namamagitan sa amin, masaya na rin ako dahil maroon ang katiyakan sa aking puso na mahal ako ni Ryan… at labis ko syang minahal ng dahil doon.
Mas lalo pa nyang pinaghusay ang kanyang pag-aaral, na lalo ko naman ikinatuwa. Hindi rin ako nakakita ng pagbabago o pagmamalabis ni Ryan sa ano mang mga bagay. Kaya masasabi kong maayos ang lahat, ang lahat lahat, hanggang…
February 14, 2009 7:00PM
Oras ng tagpuan namin ni Ryan para sa isang Valentine’s date… pero mag-iisang oras na akong naghihintay ay wala pa sya. Ala-singko pa kami ng huling mag usap sa phone na makakarating sya, mayroon lamang daw silang bisita sa bahay nila galing probinsya. Ilang ulit ko syang sinubukang muling tawagan subalit walang sumasagot.
Naiinip man ay naghintay pa rin ako, walang agam-agam dahil ngayon lang naman nahuli si Ryan sa date namin… mas madalas ngang nauuna pa sya sa akin sa mga nakaraang date namin. Pero dahil nga Valentine ’s Day, espesyal. Sana nga maaga sya dumating dahil manunuod pa kami ng sine pagkatapos ng dinner.
8:30 na ay wala pa s’ya, nag pasya na lang ako pabalot ang mga na order kong pagkain, nang hihinayang man wala naman ako magagawa pinilit ko nalang sa aking sarili na intindihin ang kung ano mang dahilan meron s’ya kung sakaling magkita kami ngayon gabi. Marami mang bakit, pero hindi ko hinayaang magalit…baka nga kasi may dahilan.
Papalabas na ako ng restaurant ng makatanggap ako ng tawag mula kay Ryan:
“Bings sorry, nasa taxi na ako malapit na ako sa G5”
“No problem Bongs, pero lumabas na ako ng resto… sa simbahan ka nalang tumuloy, hintayin kita doon” hindi ko pinahalata ang kunting tampo, dahil kahit papaano’y darating sya. May Valentines date naman ako kahit papaano…
“sige Bings sorry talaga… I Love You!”
“I Love You Too!
Papunta ako ng Greenbelt Church, ay medyo lito ako… dahil ramdam kong tila may problema si Ryan. Dahil parang walang sigla ang kanyang boses sa phone. Kinabahan man ay di ko nalang pinansin. Darating naman s’ya at mapaguusapan din naman namin marahil kung mayroon man.
Mga ilang sadali pa ay napansin ko s’yang paparating, nasa may simbahan na ako noon nakaupo sa dulong bahagi ng simbahan. May mga pa ilan-ilang mga taong naroroon para marahil mag dasal o tulad ko ring may hinihintay.
Lumapit s’ya sa aking kinaruruonan, tumabi sa aking kinauupuan… walang imik. Pansin kong mugto ang kanyang mata, tila galling lamang sa pag-iyak.
“Bakit?” ang aking lamang natanong na halos pabulong…
Bumaling s’ya ng tingin sa akin, nakatitig lamang… maya-maya pa’y may mumunting luhang pumatak sa kanyang mga mata na akin namang labis na ikinagulat.
“I’m sorry Bings… sana kahit anong mangyari lagi mong tatandaan na minahal talaga kita”
Lalo akong kinabahan, ngayon ko lang sya nakitang umasal ng ganito. Lito man ay pilit ko syang tinanong, labis kong ikinagulat ang kanyang sagot…
Nakabuntis daw s’ya, si Rachel kanyang kababata… minsan daw may nangyari sa kanila noon nasa probinsya s’yat nagbabakasyon para sa kasal ng kayang pinsan noong December 30 sa Panggasinan. Hindi ako makahanap ng isasagot, nabigla ako sa bilis ng pangyayari. Ang akala kong maayos na relasyon ay may nakatago palang lihim… nagtaksil sya sa akin. Lalaki sya, oo pero malinaw na kami nang may nangyari sa kanila ni Rachel.
Tumayo ako… lumabas ng simbahan, diko alam kong ano ang magiging reaksyon ko sa aking nalaman. Ayaw ko rin naman mag iskandalo sa loob ng simbahan. Mabilis akong lumakad papalayo bitbit ang mga pagkaing aking pina take-out kanina… ang aking mga gamit… ang aking punit-punit na puso.
nihabol n’ya ako’t pinipigilang lumayo… hawak nya ako sa isang braso, nagsusumamo ng awa ng tawad.
“Bings, hindi ko siya mahal!”
“Ginalaw mo ang babaing sinasabi mong hindi mo mahal… nabuntis mo sya”
Sa galit ko’y pinaghahampas ko ang mga bit-bit ko sa kanyang katawan, may ilang mga tao ring nakakita sa amin subalit mas pinili kong ibuhos ang lahat… ang lahat lahat na sakit sa aking damdamin.
Tumakbo akong papalayo sa lugar na iyon. Ni hindi lumingon, hindi ko alam kong humabol s’ya. Ang gusto ko lamang ay makalayo… malayong malayo.
Nasa taxi na ako ng masimasmasan ako sa aking galit, ang tanong ng driver ang pumukaw sa aking poot.
“Sir! Saan po tayo?”
February 15, 2009 12:30PM
Nasa Roxas Boulevard ako nakikinig sa bandang tumutugtog sa may kahabaan ng Baywalk. Naka upo lamang ako sa may seawall nakaharap sa madilim na karagatan ng Manila Bay. Malamig ang bawat dampi ng nabasag na along tumatama sa malalaking bato, kasabay ng hanging tila nakikipaglaro sa aking buhok… sa aking pisngi… sa aking mga luha na kusa na lamang tumutulo sa aking mga mata.
Nasaan nga ba ako ng December 30? Noong nakikipagtalik ang lalaking aking minahal sa kanyang kababata?
Niyaya n’ya akong sumama sa Panggasinan noong kasal ng kanyang pinsan, mag-aabay daw kasi sya. Dahil nataon namang family reunion naming ng petsang iyon kung kaya hindi ako nakasama… nangako s’yang uuwi agad kinaumagahan, kung kaya nga magkasama kami noong bagong taon. Wala naman s’yang nabanggit sa akin, ni wala din naman akong naramdamang kakaiba sa kanyang mga ikinikilos… isang masayang pagsalubong lamang sa bagong taon ang aking naramdaman na pinagarap ko nga sanang magtagal…
MAKAILANG ulit nya akong tinangkang kausapin, pero umiwas ako. Tanging sa school lamang kami nagkakaroon ng pagkakataong magusap, sa loob lamang ng klase dahil estudyante ko pa rin sya hanggang ngayon. Bihira rin akong umuwi sa aking inuupahang bahay dahil nga baka puntahan din n’ya ako doon. Nakiusap na lamang ako sa aking pinsan na pangsamantala ay doon muna ako sa kanila titira sa Mandaluyong para lamang makaiwas kay Ryan.
Pansin ko ang lungkot sa kanyang mukha t’wing nakaw akong titingin sa kanya sa loob ng klase alam kong nahihirapan s’ya sa kanyang sitwasyon pero nasaktan ako… Makailang ulit ko na rin tinangkang kausapin si Ryan, at tanggaping hindi talaga kami sa isa’t-isa subalit sadyang mahirap masaktan ang puso. Inaamin kong mahal ko s’ya subalit masakit.
Ilang buwan na lamang ay matatapos na ang isang school year, gra-gradute na rin si ryan. Isa s’ya sa mga running for honor student, at ayaw ko naman isa ako sa maging hadlang sa isa sa kanyang pangarap.
March 2, 2009 7:30AM
Araw ng Linggo, sabay kaming nagsimba ni Ryan. Kagabi lamang ay nagkausap kami. Inaamin kong mahal ko sya sa kabila ng lahat, at dahil ayaw ko rin naman basta matapos na lamang ang aming pinagsahan ng ganun na lang… at para narin kanyang pag-aaral ilang linggo nalang naman ay gra-graduate na s’ya.
Naisip ko rin na malapit naring maghiwalay ang aming landas kung kaya minabuti ko narin s’yang kausapin. Para maunawan s’ya at matuldukan na ang kung ano mang namamagitan sa amin.
Subalit sadyang marupok ako para sa isang pag-ibig. Kagabi lamang sa gitna nang aming pag-uusap ay muling nagdaop ang aming mga labi, nagyakap at muli’y naulit ang palagi na naming ginagawa “Pagtatalik!”.
March 29, 2009 4:00PM
Araw ng pagtatapos ni Ryan, nakamasid ako sa kanyan habang siya’y nagbibigay ng kanyang graduation speech. Nagtapos siyang valedictorian, naguumapaw ang ang aking puso sa galak… lalo na’t kanyang nabanggit ang salitang “inspirasyon” na kanyang pinatungkol sa taong nagpahalaga’t nag mahal sa kanya bukod sa kanyang mga magulang. At ang kanyang pag-aalay ng kanyang medalya sa taong kanyang pinakamamahal… ayaw kong isiping hindi ako ang pinatutungkulan n’ya dahil alam ko sa aking sarili na mahal, minahal n’ya rin ako.
Naging mahirap man ang aming kalagayan dahil nga nakatakda siyang maging ama sa nalalapit na panahon, pero patuloy parin an gaming magandang pagtitinginan sa isa’t-isa hindi ko alam kung kailan magtatagal subalit lagi kong hinahanda ang aking sarili sa kung ano man ang magaganap…
Matapos ang graduation ay nagkita kami sa labas ng PICC… niyaya n’ya akong pumunta sa bahay nila para sa isang handaan. Naroon din ang kanyang magulang na magiliw naman akong inimbita at pinasalamatan, dahil kung di daw sa akin baka di sipagin ang kanilang anak sa pag-aaral.
Hindi ko alam kung tama ang aking pasya… nasa bahay ako nila Ryan mga alas-otso ng gabi. Sa gitna ng pagtitipun ay nagsalita ang tatay ni Ryan, isang imbitasyon ang kanyang inihayag para sa nalalapit na kasal ni Ryan… at doon ko lang napansin ang pagpasok ng isang babae kasama ang kanyang mga magulang… si Rachel.
-itutuloy-
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento