Mula sa aking kinatatayuan ay muli ko na naman pinagmamasda si Jack, gustong gusto kong tinititigan ang kanyang mukha, ang kanyang kabuohan.
Abala siya sa paglilinis ng mga upuan ng simbahan, habang ako naman ay naghahanda ng aming miryenda para sa hapon na iyon.
Ang kanyang buhok na kay itim ay tila nakikipaglaro sa hangin na nagmumula sa bitilador na nakakabit sa kisame ng simbahan ay bahagyang tumatakip sa kanyang mukha at muli ay magpapakita nito sa bawat nakikipagsayaw nito sa hangin. Masasabing gwapo si Jack, mula sa moreno niyang kutis, bilugang mukha at malamlam na mga mata’t bahagyang kakapalang kilay, matangus na ilong at maninipis na mga labi ang syang pakakapagpaliwanag kung bakit marami ang nagkakagusto sa kanya.
Marami ang nag sasabing magkahawig kami ni Jack, maliban lamang sa kulay ng balat. Bahagyang maputi ang aking balat, sabayan pa ng dalawang biloy sa magkabila kong pisngi, na kung pareho lang siguro kaming meron ay baka pagkamalang magkapatid kami.
Nilapitan ko sya upang yayaing mag miryenda…
“Jack miryenda muna tayo” aya ko sa kanya
“Saglit lang tapusin ko na lamang ang isang ito” ganti niyang sagot, sabay ngiti na nagpalabas ng kanyang mapuputi at pantay na ngipin.
“Mamaya na yan, mawawala na ang lamig ng inumin”
“Ano bang meron?”
“Ano pa ba? Eh di biskwit at juice”
“Akala ko may iba” sabay ngisi
“Halika na Jack, Kool-Aid muna tayo…” pilit ko sa kanya kasabay ng isang ngiti. Lumapit sya sa akin at umakbay sa aking balikat.
“Halika na nga Kool-Aid na tayo…”
Ganito lang kami kasimple ni Jack, matapos ang mga gawain magmimiryenda, magkukuwentuhan. Kung may pagkakataon at pwede ay pinagsasaluhan namin ang ilang nakaw na sandali ng pagkakasala, ng bawat namin pagpapaligaya sa isa’t-isa… paulit-ulit.
Tumunog ang kampana, napamulat ako sa bahagyang pag-alala sa mga masasayang sandali na magkapiling kami ni Jack…
Tulad ngayon nasa misa kami, at muli nakatitig na naman ako sa mukha ni Jack. Walang kakurap-kurap kong tinitigan ang kanyang maamong mukha… subalit wala siyang katinag-tinag sa kanyang kinalalagyan. Hindi ko alam kung alam nyang pinagmamasdan ko siya ngayon
Gusto ko syang muling lapitan at muli ay yayain…
“Jack Kool-Aid uli tayo”
Pero hindi pa pwede, hindi pa tapos ang misa…
Hindi ko namalayan, ay pumatak ang mga mumunting luha sa aking mga mata. Ang init nito ay pumapaso sa aking dibdib… sa aking buong pagkatao.
Luminga ako sa paligid, at doon napansin kong hindi lamang ako ang lumuluha, kung kaya hinayaan ko na lamang na mas lalo pang ilabas ng aking mga mata ang natitira pa niyang luha… ang natitira pa niyang hinanakit.
…at isinara na nila ang kabaong sa tapat ng altar, hindi ko na nakita si Jack!
Paalam Jack...
note: Naging ganap na pari si Jack nakapaglingkod din sya sa simbahan ng halos isang taon, sa mga panahong iyon ay inilayo ko ang aking sarili sa piling niya... subalit muli ay nagkasakit siya ng malubha, di nagtagal ay kinuha na rin ng lumikha.
Saksi ako sa bawat niyang paghihirap habang nilalabanan ang kanyang karamdaman... naroon ako sa tabi nya sa mga sandaling kailanganin nya ako... bilang isang kaibigang Nagmamahal!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento