image courtesy of http://corkstudio.com
Alam kong darating din sa wala ang kung ano man ang meron sa amin ni Jack, pero masakit paring isipin na wala kaming magawa para ipaglaban ang damdamin namin para sa isa’t-isa.
Mula sa rooftop ng kanilang bahay ay kapwa kami nakatanaw ni Jack sa langit. Nakahiga kami sa simentong bahagi ng rooftop na kinalalagyan ng tanke ng kanilang tubig, walang buwan ng mga sandaling iyon kung kaya tila mas dumami ang mga bituin sa langit. pag wala kaming magawa at kung nasa bahay nila ako ang rooftop ang sya naming tambayan. Sa lugar na ito namin napaguusap ang mga bagay-bagay patungkol sa aming dalawa…
Subalit iba ang gabing ito, pagkat bukas ng umaga aalis na si Jack… papasok na siya sa seminaryo… sa Maynila na siya mamamalagi. Kanina pa sya walang imik, mula ng umakyat kami dito at mahiga sa semento ay wala na s’yang nabanggit man lang.
Nabibingi na ako sa katahimikan ni Jack…
“binibilang mo ba ang bituin sa langit?” aking tanong, lumingon lamang sya at nagpukol ng isang ngiti.
“hindi natin mabibilang ang lahat ng yan Jack, kung mapapasin mo habang binibilang mo parang lalo pa silang dumadami” wala pa rin siyang imik, tumagilid siya sa pagkakahiga at bigla na lamang akong niyakap.
“Jack, magsalita ka naman… sabihin mo sa akin kung ano ang nasa isip mo…”
“hindi ko alam…”
“ang alin”
“ang lahat… kung ano ba talaga ang gusto ko… kung bakit kailangan ko pa itong gawin” niyakap ko na rin si Jack, napatitig ako sa kanyang mga mata na ng mga sandaling iyon ay may namumuo ng luha.
“Jack bakit di mo sila kausapin, sabihin mo kung ano ang gusto mo”
“naguguluhan ako, kung kaya ko lang sana…”
“Jack, papano tayo?”
“iyan din ang tanong ko sa sarili ko, dahil pag ganap na akong pari…” biglang naputol ang kanyang sinasabi, at umagos na ang luha sa kanyang mga mata… tila mga bituing nag-uunahang manaog sa lupa, mapanglaw tulad ng mga ilaw sa poste ng kuryenteng di gaanong kalayuan sa aming kinalalagyan na nagsisilbing taglaw namin sa madilim na gabi.
“may mga bagay na di lang talaga para sa atin”
“pero sana hindi ikaw…”
“pero papano natin maipaglalaban Jack?”
“hindi ko alam, kung papanong hindi ko rin alam kung paano makikipaglaban sa Diyos para sa ating pag-ibig…”
“marahil nga’y di para sa atin na sagutin ang mga bagay nayan”
“tulad ba ng hindi natin kayang pagbilang sa mga bituin?”
Isang mariin na halik ang ginawad ko sa labi ni Jack, dahil ayaw ko ng marinig ang mga susunod niyang sasabihin. Hindi dahil sa ayaw ko, kundi dahil alam ko namang wala rin kaming magagawa… wala!
Dahil bukod sa mura naming edad, paano namin ipagtatapat sa iba ang kung ano meron sa aming dalawa. Ang takot na libakin ng nakakarami, lalo na ng pananampalatayang aming kinaaaniban.
Saksi ang mga bituin ng mga sandaling iyon ng isang pagmamahalan ng kapwa puso, maging pareho man ang kasarian… muli ay pinalaya naming kapwa ang makamundong pagnanasa sa bawat isa. Ang muli’t muli, pilit naming inabot ang pinagkakait na langit sa mga tulad namin…
Kinabukasan sa simbahan habang ginaganap ang misa ng pag-aalay kay Jack ay di ako mapakali… hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko ng mga sandaling iyon. Tila baga nag hihintay ako na magsabi ang pari, mag tanong kung meron bang tumututol sa pakikipag-isang dibdib ni Jack sa simbahan… sa Diyos. Dahil sa isip ko kung magkanayon ay sisigaw ako ng buong lakas, na ako si Felmo ay tumututol!
Nilingon ako ni Jack bago pa man ibinigay sa kanya ang bibliya at isabit ang isang malaking rosaryo sa kanyang leeg, napayuko na lamang ako… hindi ko pa rin matanggap… hindi ko pala kayang sundin ang pakiusap ni Jack… kagabi…
“kapwa natin talikuran ang damdamin natin sa isa’t isa… umibig ka ng iba Felmo, ako maglilingkod na lamang ng tapat sa simbahan at ang iyong pag-ibig ang siyang huli kong magiging pag-ibig… wala na akong ibang pakamamahalin”
Matapos ang misa, habang abala ang lahat para sa inihandang salo-salo sa simbahan, kami ni Jack ay nagkasarilinan… Isang walang hanggang paalam… nais ko syang muling yakapin, hagkan at muli’y lasapin ang hubad niyang katawan subalit hindi na maari… hindi dito, hindi ngayon… kung kailan? Walang nakababatid.
Isang sobre ang iniabot sa akin ni Jack… nasa labas na kami ng simbahan, pasakay na s’ya sa kotse na maghahatid sa kanya sa Maynila. Marahang umusad ang sasakyan, ako naman ay nakatitig lamang sa dahan-dahan nitong paglisan papalayo sa aking kinatatayuan… sa aking puso. Hanggang tuluyan ng naglaho ang kinalulunanan ni Jack.
Agad akong pumunta sa kumpisalan, binuksan ang sobre’t binasa ang nilalaman nitong sulat…
Felmo,
Salamat sa pagkakaibigan, sa panahon na ating pinagsamahan. Alam kong mahirap tanggapin ang lahat pero para sa ikabubuti nating dalawa ito na marahil ang mainam.
Mabigat sa loob ko ang gagawin kong pagpasok sa seminaryo… dahil hindi ko doon madadala ang puso ko… ang puso kong para sayo lamang. Mali man para sa iba, subalit sayo ko naramdaman ang pag-ibig, ano man ang iyong kasarian ano man ang iyong pagkatao.
Pagkabasa mo nito ay pinalalaya ko na ang puso mo. Dahil hindi dapat na makulong ka, tulad ko. Magmahal ka ng iba… ayaw ko man, sana malimutan mo ang damdamin mo para sa akin.
Kagabi pilit ko paring binilang ang mga bituin… pero hindi ko talaga kinaya…
Paalam,
Jack
Lumuha na lamang ako ng mga sandaling iyon… nais ko mang magsisigaw hindi ko magawa, may pangilan-ngilang tao pa sa simbahan at ano ang ikatutuwiran ko kung tanungin ako kung bakit… masasagot ko bang dahil kay Jack.
Nagpasya na lamang akong lumabas ng kumpisalan at umuwi sa bahay, ng sa aking pag labas naroon si Father Jose, tila kanina pa naghihintay sa aking pag labas. Napako ako sa aking kinatatayuan. Lumapit sa aking si Father Jose, at ako’y kanyang niyakap.
“Anak tama lamang ang naging pasya ni Jack, at ang tamang gawin ay palayain ninyo ang isa’t-isa… dahil sa Diyos nararapat ang kanyang pag-ibig”
Muli’y umagos ang luha sa aking mga mata, hindi ko na inalam kung ano ang nalalaman ni Father Jose… o kung sinabi ba ni Jack ang lahat nang siya’y nangumpisal kanina, isa lang ang malinaw… ganap nang magpapari si Jack.
Itutuloy…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento