Martes, Marso 20, 2012

Tampisaw






Hatakin natin ang gabi

Upang sa dilim tayo ay makakubli.

wag nating hayaang mamalas ang buwan

upang ang kasarinlan ay ating matikman.

Kinang ng bituin man

ay di makakahadlang

sa ating pakikipagniig…

sa ating pakikipagtalik…

sa hangin ng pakikibaka,

sa hamog ng pag-aalinlangan.



Hayaan mong

ang mga labi ko

ang maging tawiran

ng iyong hininga

na di binigyang laya

ng sanlibutang nagtatwa

na sa atin din ay lumikha…



Ang bawat along hahampas

sa ating katawan

ang s’yang papawi

sa uhaw…

sa pagnanasa…

sa pangangailangan…

ng ikaw at ako

para sa isang paglaya

mula sa lipunang

di tinatanggap

ang kung ano ang nasa ating puso…

ang nasa ating kaluluwa!


 

Hakbang pa…

hanggang mabalot ang buo nating katawan

ng tubig alat

na magkukubli sa ating kahubdan

upang muli tayo ay mahugasan

para sa sandaling

magbalik ang haring araw

tayo muli’y maging malinis

sa mga taong

tunay na nagmamay-ari

ng aba nating

Katauhan!

2 komento:

  1. Mga Tugon
    1. ang sarap lang talagan mag-tampisaw... lalo na sa kaligayahang dulot ng bawal na pagmamahal... hala... drama mode!

      Burahin