Martes, Hunyo 11, 2013

BeerDei 6




January 15, 2010 4:00PM

Naiinip ako’t walang magawa… binuksan ko ang FB, ilang buwan ko rin itong di nabuksan mula ng mag-resign ako sa aking pinapasukang school. Nag resign ako hindi dahil sa ayaw ko ng magturo, kungdi dahil sa mga ala-ala ng paaralan kung saan ko nakilala si Ryan.

Nakalog-on na ako’t sinubukan kong I turn-on ang chat… nang biglang may na receive akong chat message:

“musta po pareng sir?”

Matagal kong tinitigan ang monitor ng laptop, nagdadalawang isip kong sasagutin ko ba ang nag-message o hindi, kung mag lalog-off naman ako baka makahalatang iniiwasan ko sya.

“buti naman…” ang akin nalang naging sagot

“naku sir, pumunta po kami ng inaanak mo nung December sa scul… sabi kasi ni Ryan dalawin ka namin ni baby para kamustahin… pero resign ka na pala” 

“ah, eh… oo”

“nasa Cebu branch ka daw lipat… layo ah, laki na pala ni baby… gumagapang na po…”

“okie… parang kalian lang karga ko sya noong bininyagan”

“si Ryan po pala nasa Dubai na noong November pa po… kinuha ng tita nya para doon na lang po work”
“ganun ba?”

“opo… kaya nasa Batangas po ako ngayon sa bahay namin, dito po muna kami ni baby… para matulungan din ako ni nanay sa pag-aalaga ng bata”

“okie…”

“Hindi na po naka pag-paalam si Ryan sa inyo… tinatawagan po naming kayo pero iba na po ata number nyo”

“oo eh… nagpalit na rin kasi ako ng number… nasira kasi ang phone ko’t sim… balak ko nga rin sana dumalaw sa inyo pero biglaan kasi ang lipat ko”

“ganun po ba? eh pareng sir, kayo po ba may asawa na :)

“ako? Ha… wala pa, walang magkamali…”

“hahahaha… darating din po yan…”

“sana… :)

“sasabihin ko po kay Ryan na nagkausap po tayo… buti naman po naka pag-online kayo…”

“busy… kaya bihira lang… kamusta mo rin ako sa kanya…”

“okie po… hintay ko nga po s’yang mag-online… usually ganitong oras po kami chat… pero naka tulog ata”

“okie… 

“kalian po kayo dalaw sa Manila?, baka po March na sa bahay muna ako nila Ryan… gusto po daw kasing makita nang lola Caroll nya si baby”

“ganun ba… kung makakaluwas ako dadalaw ako…”

“sige pareng sir… para makita mo ulit si baby… Ryan na Ryan po ang mukha… hahahah”

“sige…”

“tag ko po sayo mga pic ni baby…”

“okie, thanks!”

 ------------

Bumukas ang pinto ng flat, na nagpahinto sa aking ginagawa…

“Bings… meryenda na tayo, bumili ako ng shawarma at labna…”

 ------------

“pareng sir na tag na po kita…”

“Rachel, gtg na may gagawin lang ako… thanks sa tag”

“K po! Ingatz…”

At nag log-out na ako sa FB’t pinatay na rin ang laptop.


 ------------


“Bings…”

“Bongs sandali,  sunod na ako!”



January 15, 2010 5:00PM


Masaya kaming kumakain ng meryenda ni Ryan… subalit pag naaalala ko si Rachel, hindi ko alam kong ma qui-guilty ba ako o ano. Dahil habang nag-iisa sya sa Pilipinas… eto kami ni Ryan malayang nagagawa ang bawat namin nais dito sa UAE!



"Bakit dito sa Middle East, parang ang lapit ng langit... ang lapit ng mga bituin." -Ryan-


-itutuloy-





Lunes, Hunyo 10, 2013

BeerDei 5




June 6, 2009 3:30 PM

Nasa gilid ng harapang bahagi ako ng altar ng simbahan… pinagmamasdan ang babaing naglalakad papalapit sa aking kinaruruonan, tila napakabagal ng oras. Nabibingi ako sa katahimikan, tanging ang tunog ng takong mula suot na sapatos ng babaing naglalakad ang maririnig kasabay ng awiting pangkasal. Ramdam ko ang galak ng paligid, subalit ako lumuluha ng lihim para sa aking nadudurog na puso. Ilang ulit kong hiniling na sana ay maglahu na lamang ako sa aking kinatatayuan ng mga sandalin iyon.

At ng ganap ng nasa aking harapan ang babaing kanina lamang ay nag lalakad, gumuho na ng tuluyan ang aking mundo. Iniabot ng lalaking aking katabi ang kamay ng babae… at tuluyan na silang naglakad sa harap ng altar, ako? Ako’y naiwan sa aking kinatatayuan, na ang tangi na lamang kapiling ay ang aking sugatang puso… damdaming umasa… pag-ibig na nawala.


June 5, 2009 10:30 PM

Kaalis lamang ng mga bisita sa aking bahay, para sa isang pagsasalo-salo. Bukas kasi ay ikakasal na si Ryan at nataon naman parihu naming kaarawan. Masaya ang handaan iyon, kasama ang ilang malalapit na kaibigan ni Ryan, kamag-anak at kaklase sa high school at college. Sa bahay ko ginawa ang stag party ni Ryan dahil malapit lang naman ang aking bahay sa kanilang bahay at naroon din kasi sa bahay nila ang kanyang mapapangasawa, si Rachel. Dahil sa pamahiin at dahil narin sa pakiusap ng magulang ni Ryan kung kaya ako napapayag na sa bahay ko ganapin ang pagtitipun para sa huling sandali ng pagiging binata ni Ryan. Bali bukas dito na rin s’ya manggagaling pa simbahan.

Ang kanina lamang na maingay na bahay at muling nanahimik, dahil wala na ang mga bisita at tanging kami na lamang ni Ryan ang natira sa bahay. Nakaupo siya sa sofa at nakaidlip dahil sa naparami ang nainum na alak. Pinagmasdan ko s’ya ng matagal… tila sinisipat ko ang bawat angulo ng kanyang pagkatao, pinagsawa ko ang aking mga mata sa kanyang maamong mukha dahil baka ito na rin ang huling sandaling maari ko s’yang masolo, dahil nga bukas ay may iba ng aakin sa aking MAHAL!

Napako ako sa aking kinatatayuan habang nakatitig sa kanya ng bigla siyang magising, papatingin s’ya sa akin at nagtama ang aming paningin. Hindi ko namalayan ay bigla na lamang tumulo ang luha sa aking mga mata… hindi ko pala kakayaning mawala s’ya sa akin. Tumayo si Ryan at lumapit sa akin, pinahid nya ang mga butil ng luha sa aking pisngi, subalit maging s’ya ay lumuluha din. Niyakap n’ya ako ng kay higpit, subalit ako’y tila natuod sa aking kinalalagyan.

“Mag salita ka naman Bings, kahit ano… please” ang kanyang pagsusumamo.

Subalit walang tinig na lumabas sa aking bibig, kundi ang mga impit na iyak… para sa nalalapit na pagkawala ng taong batid kong umibig sa akin.

Isang mariing halik ang iginawad sa akin ni Ryan, maalab… 

At muli naganap ang pagsasalo para sa isang pag-ibig na malapit ng hadlangan ng isang kasal!

Kapwa hubad ang aming katawan na animo’y kusang sumasabay sa bawa’t pag galaw ng oras… kada bulusok n’ya sa aking likuran ay pagpatak ng aking luha ang kapalit, hindi dahil sa sakit kundi dahil sa agam-agam ng puso… dahil matapos ang gabing ito, ay paano na ang ako? Paano na kami?

Hindi mabilang na ungol at daing ng ligaya ang bumalot sa apat na sulok ng aking bahay… na nasa nalalapit na sandali’y magiging ala-ala na lamang.

Nais kong sanang hilingin sa may-kapal na wag na matapos ang gabing ito… upang maging akin na lamang ang pag-ibig, ang puso at ang taong may tangan nito. Subalit sadya yatang hindi kami ang nararapat para sa isa’t-isa.

Matapos ang makailang ulit na pakikipagtalik… sa pagod at dala na rin marahil ng alak ay nakatulog si Ryan, na sa kwarto kami’t nakahiga sa kama… nakaunan sya sa aking braso at ako naman ay nakatagilid na pinagmamasdan lamang ang kanyang mukha… alas-dose na ng gabi… isang taon na ang nakakalipas… ng unang may naganap sa amin. June 6 na rin, kaarawan na rin naming dalawa… muli ito kami sa aming parihabang mundo, na hindi ko alam at ni ayaw kong alamin kung muli pa bang mapupunan nang s’ya at ako.

Isang mainit na dampi ng sinag ng araw na nagmumula sa bintana ang nag pagising sa akin, umaga na pala. Sinipat ko ang wall clock sa gawing ulunan ng aking kama, alas-syete na pala ng umaga. Wala si Ryan sa aking tabi, dali-dali akong bumangon… sa pagkabahala, mamayang hapon pa naman ang kasal at dito naman s’ya sa bahay manggagalin… bakit wala na s’ya.

Nagtapis na lamang ako ng tuwalya’t nanaog sa baba ng bahay, isang nakangiting Ryan ang sumalubong sa akin, may hawak na bungkos ng bulaklak at isang kahon ng regalo…

“Happy Birthday Bings!”

“akala ko wala ka na…” muli pagluha

“hindi naman ako mawawala sayo…”

“kaya pala ikakasal ka na mamaya”

“gusto mo bang hindi ko siputin ang kasal?”




June 6, 2009 4:30 PM

“You may kiss the bride!” kasabay ng isang malakas na palakpakan.

Tumulo ang natitira ko pang luha sa aking mata… dahil natuldukan na ang isang pagmamahalan, pagmamahalan namin ni Ryan.

Lumingon s'ya sa akin, matapos nyang halikan ang kanyang asawa... tumalikod ako, humatbang palayo... palabas ng simbahan... palayo sa pag-ibig.



"Ikakasal lang ako, di pa ako mawawala..." -Ryan-

-itutuloy-


Linggo, Mayo 26, 2013

BeerDei 4



December 2008

Ito na yata ang pinakamasayang buwan sa aking buhay makalipas ang mahabang panahon.

Dahil muli naranasan ko ang umibig at ibigin… palagi kong dasal na kung maari lamang sana hindi na ito magwakas.

Naging mas matibay kami ni Ryan, mas lalo ko pang naramdaman ang kanyang pag-ibig… lalo na nga noong naging kami na officially (December 5, 2008).

Naging  masaya ang aming pasko… natapos nga namin ang simbang gabi, kalabisan man at alam ko naman bawal pero sinubukan kong hilingin na ang pagmamahalan namin ni Ryan ay pang habang buhay. Isang masayang bagong taon ang sumunod, nasa Cavite kami noon sa aming bahay, noon pasko kasi ako naman ang nasa kanilang tahanan.

Hindi man namin masabi sa aming mga pamilya ang kung anong namamagitan sa amin, masaya na rin ako dahil maroon ang katiyakan sa aking puso na mahal ako ni Ryan… at labis ko syang minahal ng dahil doon.

Mas lalo pa nyang pinaghusay ang kanyang pag-aaral, na lalo ko naman ikinatuwa. Hindi rin ako nakakita ng pagbabago o pagmamalabis ni Ryan sa ano mang mga bagay. Kaya masasabi kong maayos ang lahat, ang lahat lahat, hanggang…


February 14, 2009 7:00PM


Oras ng tagpuan namin ni Ryan para sa isang Valentine’s date… pero mag-iisang oras na akong naghihintay ay wala pa sya. Ala-singko pa kami ng huling mag usap sa phone na makakarating sya, mayroon lamang daw silang bisita sa bahay nila galing probinsya. Ilang ulit ko syang sinubukang muling tawagan subalit walang sumasagot.

Naiinip man ay naghintay pa rin ako, walang agam-agam dahil ngayon lang naman nahuli si Ryan sa date namin… mas madalas ngang nauuna pa sya sa akin sa mga nakaraang date namin. Pero dahil nga Valentine ’s Day, espesyal. Sana nga maaga sya dumating dahil manunuod pa kami ng sine pagkatapos ng dinner.

8:30 na ay wala pa s’ya, nag pasya na lang ako pabalot ang mga na order kong pagkain, nang hihinayang man wala naman ako magagawa pinilit ko nalang sa aking sarili na intindihin ang kung ano mang dahilan meron s’ya kung sakaling magkita kami ngayon gabi. Marami mang bakit, pero hindi ko hinayaang magalit…baka nga kasi may dahilan.

Papalabas na ako ng restaurant ng makatanggap ako ng tawag mula kay Ryan:


“Bings sorry, nasa taxi na ako malapit na ako sa G5”

“No problem Bongs, pero lumabas na ako ng resto… sa simbahan ka nalang tumuloy, hintayin kita doon” hindi ko pinahalata ang kunting tampo, dahil kahit papaano’y darating sya. May Valentines date naman ako kahit papaano…

“sige Bings sorry talaga… I Love You!”

“I Love You Too!

Papunta ako ng Greenbelt Church, ay medyo lito ako… dahil ramdam kong tila may problema si Ryan. Dahil parang walang sigla ang kanyang boses sa phone. Kinabahan man ay di ko nalang pinansin. Darating naman s’ya at mapaguusapan din naman namin marahil kung mayroon man.

Mga ilang sadali pa ay napansin ko s’yang paparating, nasa may simbahan na ako noon nakaupo sa dulong bahagi ng simbahan. May mga pa ilan-ilang mga taong naroroon para marahil mag dasal o tulad ko ring may hinihintay.

Lumapit s’ya sa aking kinaruruonan, tumabi sa aking kinauupuan… walang imik. Pansin kong mugto ang kanyang mata, tila galling lamang sa pag-iyak.

“Bakit?” ang aking lamang natanong na halos pabulong…

Bumaling s’ya ng tingin sa akin, nakatitig lamang… maya-maya pa’y may mumunting luhang pumatak sa kanyang mga mata na akin namang labis na ikinagulat.

“I’m sorry Bings… sana kahit anong mangyari lagi mong tatandaan na minahal talaga kita”

Lalo akong kinabahan, ngayon ko lang sya nakitang umasal ng ganito. Lito man ay pilit ko syang tinanong, labis kong ikinagulat ang kanyang sagot…

Nakabuntis daw s’ya, si Rachel kanyang kababata… minsan daw may nangyari sa kanila noon nasa probinsya s’yat nagbabakasyon para sa kasal ng kayang pinsan noong December 30 sa Panggasinan. Hindi ako makahanap ng isasagot, nabigla ako sa bilis ng pangyayari. Ang akala kong maayos na relasyon ay may nakatago palang lihim… nagtaksil sya sa akin. Lalaki sya, oo pero malinaw na kami nang may nangyari sa kanila ni Rachel.

Tumayo ako… lumabas ng simbahan, diko alam kong ano ang magiging reaksyon ko sa aking nalaman. Ayaw ko rin naman mag iskandalo sa loob ng simbahan. Mabilis akong lumakad papalayo bitbit ang mga pagkaing aking pina take-out kanina… ang aking mga gamit… ang aking punit-punit na puso.

nihabol n’ya ako’t pinipigilang lumayo… hawak nya ako sa isang braso, nagsusumamo ng awa ng tawad.

“Bings, hindi ko siya mahal!”

“Ginalaw mo ang babaing sinasabi mong hindi mo mahal… nabuntis mo sya”

Sa galit ko’y pinaghahampas ko ang mga bit-bit ko sa kanyang katawan, may ilang mga tao ring nakakita sa amin subalit mas pinili kong ibuhos ang lahat… ang lahat lahat na sakit sa aking damdamin.

Tumakbo akong papalayo sa lugar na iyon. Ni hindi lumingon, hindi ko alam kong humabol s’ya. Ang gusto ko lamang ay makalayo… malayong malayo.

Nasa taxi na ako ng masimasmasan ako sa aking galit, ang tanong ng driver ang pumukaw sa aking poot.

“Sir! Saan po tayo?”



February 15, 2009 12:30PM

Nasa Roxas Boulevard ako nakikinig sa bandang tumutugtog sa may kahabaan ng Baywalk. Naka upo lamang ako sa may seawall nakaharap sa madilim na karagatan ng Manila Bay. Malamig ang bawat dampi ng nabasag na along tumatama sa malalaking bato, kasabay ng hanging tila nakikipaglaro sa aking buhok… sa aking pisngi… sa aking mga luha na kusa na lamang  tumutulo sa aking mga mata.

Nasaan nga ba ako ng December 30? Noong nakikipagtalik ang lalaking aking minahal sa kanyang kababata?

Niyaya n’ya akong sumama sa Panggasinan noong kasal ng kanyang pinsan, mag-aabay daw kasi sya. Dahil nataon namang family reunion naming ng petsang iyon kung kaya hindi ako nakasama… nangako s’yang uuwi agad kinaumagahan, kung kaya nga magkasama kami noong bagong taon. Wala naman s’yang nabanggit sa akin, ni wala din naman akong naramdamang kakaiba sa kanyang mga ikinikilos… isang masayang pagsalubong lamang sa bagong taon ang aking naramdaman na pinagarap ko nga sanang magtagal…




MAKAILANG ulit nya akong tinangkang kausapin, pero umiwas ako. Tanging sa school lamang kami nagkakaroon ng pagkakataong magusap, sa loob lamang ng klase dahil estudyante ko pa rin sya hanggang ngayon. Bihira rin akong umuwi sa aking inuupahang bahay dahil nga baka puntahan din n’ya ako doon. Nakiusap na lamang ako sa aking pinsan na pangsamantala ay doon muna ako sa kanila titira sa Mandaluyong para lamang makaiwas kay Ryan.

Pansin ko ang lungkot sa kanyang mukha t’wing nakaw akong titingin sa kanya sa loob ng klase alam kong nahihirapan s’ya sa kanyang sitwasyon pero nasaktan ako… Makailang ulit ko na rin tinangkang kausapin si Ryan, at tanggaping hindi talaga kami sa isa’t-isa subalit sadyang mahirap masaktan ang puso. Inaamin kong mahal ko s’ya subalit masakit.

Ilang buwan na lamang ay matatapos na ang isang school year, gra-gradute na rin si ryan. Isa s’ya sa mga running for honor student, at ayaw ko naman isa ako sa maging hadlang sa isa sa kanyang pangarap.


March 2, 2009 7:30AM

Araw ng Linggo, sabay kaming nagsimba ni Ryan. Kagabi lamang ay nagkausap kami. Inaamin kong mahal ko sya sa kabila ng lahat, at dahil ayaw ko rin naman basta matapos na lamang ang aming pinagsahan ng ganun na lang… at para narin kanyang pag-aaral ilang linggo nalang naman ay gra-graduate na s’ya.
Naisip ko rin na malapit naring maghiwalay ang aming landas kung kaya minabuti ko narin s’yang kausapin. Para maunawan s’ya at matuldukan na ang kung ano mang namamagitan sa amin.

Subalit sadyang marupok ako para sa isang pag-ibig. Kagabi lamang sa gitna nang aming pag-uusap ay muling nagdaop ang aming mga labi, nagyakap at muli’y naulit ang palagi na naming ginagawa “Pagtatalik!”.



March 29, 2009 4:00PM

Araw ng pagtatapos ni Ryan, nakamasid ako sa kanyan habang siya’y nagbibigay ng kanyang graduation speech. Nagtapos siyang valedictorian, naguumapaw ang ang aking puso sa galak… lalo na’t kanyang nabanggit ang salitang “inspirasyon” na kanyang pinatungkol sa taong nagpahalaga’t nag mahal sa kanya bukod sa kanyang mga magulang. At ang kanyang pag-aalay ng kanyang medalya sa taong kanyang pinakamamahal… ayaw kong isiping hindi ako ang pinatutungkulan n’ya dahil alam ko sa aking sarili na mahal, minahal n’ya rin ako.

Naging mahirap man ang aming kalagayan dahil nga nakatakda siyang maging ama sa nalalapit na panahon, pero patuloy parin an gaming magandang pagtitinginan sa isa’t-isa hindi ko alam kung kailan magtatagal subalit lagi kong hinahanda ang aking sarili sa kung ano man ang magaganap…

Matapos ang graduation ay nagkita kami sa labas ng PICC… niyaya n’ya akong pumunta sa bahay nila para sa isang handaan. Naroon din ang kanyang magulang na magiliw naman akong inimbita at pinasalamatan, dahil kung di daw sa akin baka di sipagin ang kanilang anak sa pag-aaral.

Hindi ko alam kung tama ang aking pasya… nasa bahay ako nila Ryan mga alas-otso ng gabi. Sa gitna ng pagtitipun ay nagsalita ang tatay ni Ryan, isang imbitasyon ang kanyang inihayag para sa nalalapit na kasal ni Ryan… at doon ko lang napansin ang pagpasok ng isang babae kasama ang kanyang mga magulang… si Rachel.




-itutuloy-


Miyerkules, Enero 23, 2013

Isang mahabang pag-idlip


image courtesy of an FB friend


Inilapat ko ang aking katawan sa malawak na higaan
upang doon ay ipahinga ang pusong malaon ng pagal
matagal narin pala mula ng mahiga akong mag-isa
subalit kailangan kong masanay…
kailangan kong matutunan, kailangan kong harapin…
dahil kung hindi, muli luluha na naman ako.

Nilalamig ako sa kabila ng mainit na panahon
dahil wala ang mga bawat mong yakap,
ang mga bawat mong halik na pumapawi sa mga agam-agam
ng bawat bukas na darating…
sa bawat oras na ninanais kong nandito ka lang sa aking tabi…
Nasaan ka na?

Sa mga panagip ko na lamang magagawa ang lahat
ibigin ka…
pahalagahan…
alayan ng buhay…
yakapin…
hagkan…
at ibigay ang buo kong pagkatao.

Ayaw ko na sanang gumising subalit kailangan
Dahil hindi ako mabubuhay sa mga ala-ala mo lamang…
gigising din ako,
hinihintay ko lang ang tamang sandali…
ang tamang pagkakataon
na sa aking pagbangon
wala ka nang tuluyan sa aking buhay… sa aking puso!